Friday, February 14, 2014

“Sino Ako Sampung Taon mula Ngayon?”


               Sumagi lamang sa aking isipan, sino nga ba ako sampung taon mula ngayon?
Marahil, hindi lamang ako ang nag-iisip ng ganitong bagay. Kung pakaiisipin, lahat naman ng tao ay may pangarap, hinahangad sa buhay, at inaasahang mangyari sa hinaharap. Ang tanong, matupad kaya ang lahat ng mga iyon?

               Siyempre, matutupad iyon kung may determinasyon talaga ang isang tao na mangyari ang lahat ng kanilang inaasam. Bilang isang kabataang nangangarap, marami akong mga ninanais na matupad sa buhay. Isa na rito ay maging isa sa mga iginagalang na guro sa hinaharap. Kung kaya’t kumukuha ako ng kursong edukasyon.  Para sakin, makamit ko lamang ang propesyong ito na aking hinahangad, siguradong makakamit ko na rin lahat ng mga bagay na aking inaasam. Hindi naman ako mahilig sa mga material na bagay lalo na’t kung ito’y mga mamahalin. Nais ko lamang ay magkaroon ng simpleng buhay at maiahon sa hirap ang aking pamilya. Sampung taon mula ngayon, nakikita ko ang aking sarili bilang isa sa mga guro na may masteral degree. Opo, kung papalarin na maging isang guro, nais kong ipagpatuloy agad ang pagiging guro patungo sa Masteral at hanggang Doctoral. Nagtuturo sa pampublikong paaralan, at ibinabahagi ang mga kaalamang aking patuloy na natutunan a aking buhay.

                Alam kong masyadong mataas ang aking hinahangad na buhay sa hinaharap. Ngunit naniniwala ako na makakamit ko ito sa pamamagitan ng determinasyon sa buhay at tiyaga na makuha ang mga ito. Naniniwala din ako na hindi ako nag-iisa sa landas na aking tinatahak. Nariyan ang aking mga kaibigan at pamilya, na patuloy na sumusuporta sa aking mga adhikain. At ang pinakamahalaga, ang Panginoong lumikha na nariyan at gumagabay sa akin sa bawat  sandal ng aking buhay.

Pag-ibig Nga Kaya?

         Nakaupo si Dhea sa malawak nilang school grounds nang mapansin niyang papalapit sa kanya ang kanyang kaibigan na si Jeth.

‘’ Dhea, sama ka samin mamaya”, yaya ng kanyang kaibigan.
“ Naku, san naman?, ‘wag na at baka makaistorbo pa ko sa inyo ni Megs”, pang-aasar ni Dhea.
“ Ano ka ba, anniversary kasi ngayon ng mga magulang ni Megs, kaya pumunta ka”, ani Jeth
“ Ay oo nga , nasabi na sakin yon ni Megs kahapon, inimbita na din niya ko “
“ Oh ano, sama ka? 6pm ha “, pagpapaalala ni Jeth.
“ Ok sure”. Biglang sagot ni Dhea.

           Bigla naming may nagtext kay Dhea, bandmate niya. “ uy, may gig tayo mamayang 6pm”, pagkabasa niya sa text.
“Hala Jeth, ‘di pala ako makakapunta mamaya, may gig ang banda namin. Pakisabi na lang kay Megs mamaya, saka kina Tita April at Tito Jun. Sorry talaga”, pahabol ni Dhea kay Jeth. Pasaktong alas-sais nang makarating ang banda nina Dhea sa pagdarausan ng gig. Doon niya nalaman na ang tutugtugan pala nila ay kina Megs. Magulang pala nito ang umarkila sa kanilang banda. Bago sila nagsimulang tumugtog ay pinakilala muna niya ang kanyang banda. Sila ang “ The Mighty Band “, si Luke, ang lead guitarist; si Jomari, sa vocal and guitar; si Pauline ang taga-piyano; si Kenneth ang kanilang drummer; at si Dhea na tumatayong lead vocalist ng banda.
         Hindi gano’n katagal ang kanilang performance dahil niyaya na rin sila nila Megs na makihalubilo sa iba. Kasalukuyang nagkekwentuhan ang magbabarkada nang biglang napasulyap si Dhea kay Luke. “ dug,dug,dug,dug”, lagi na lamang ganyan ang kanyang nadarama tuwing napapatingin siya sa binata.
“ Uy, may gusto ka kay Luke noh?”, tukso ni Megs kay Dhea.
“ H-ha? Wala noh”, tanggi naman ng dalaga.
“ Wag ka nang tumanggi, babae ako noh, ramdam ko din yun”, sabat naman ni Pauline.
“ Psssh, oo na, ‘wag niyo lang ako aasarin sa kanya, okay?” sagot ni Dhea
“ Haha J promise”, sabay na sabi ng dalawa.
            Kalagitnaan ng kanilang kwentuhan, ay bigla naming may nagtext kay Dhea.
“ Ate, loadan mo ako please? As usual”, sabi sa text.
  Kung kaya’t agad namang nagpaalam si Dhea para magpaload sa labas. Malayo rin ang tindahan sa subdivision. Naglalakad na siya pabalik nang maramdaman niyang may humawak sa kanyang balikat. Tumalon ang puso niya sa kaba, nilingon niya rin ito at nakita ang isang matandang babae na nakasuot ng isang napakalaking
t-shirt at mahabang palda tapos may dalang bayong.
“ A-ah lola, bakit po?”, nanginginig na tanong ni Dhea sa matanda.
Hinawakan naman ng Lola ang kamay ni Dhea at hinimas ang palad nito.
“ May lalaki kang nagugustuhan sa ngayon hindi ba?” biglang sabi ng lola.
“ Paano niyo po nasabi?”, muling tanong ni Dhea.
“ Nabasa ko sa palad mo, ngunit may iba siyang gusting babae”, sagot ng matanda.
Binitawan ng matanda ang kanyang kamay at may dinukot itong maliit na bote mula sa kaniyang bayong.
“ Oh, heto gayuma, hindi ba’t gusto mong magkagusto siya sa’yo? Ihalo mo yan sa kanyang kakainin o kaya’y iinumin. ‘Pag nakatatlong araw at ‘di mo pa yan nagagamit, mawawala siya sa’yo”.
       Tinitigan ni Dhea ang botelya na hindi niya mawari ang itsura. Parang langis na may laman sa loob.
“ Lola, ayaw ko”, napalingon siya sa paligid ngunit wala na ang matanda. Muli niyang tinitigan anf botelyang hawak.
“ Sabagay, hindi naman masama kung susubukan”, bulong niya sa sarili.
Kinabukasan,,,
“Dhea”,,, napalingon siya sa tumawag at nakita niya si Luke na nakatayo sa room nila. Niyaya siya nitong pumunta muna ng canteen dahil may pag-uusapan daw sila. Hindi gano’n karami ang tao sa canteen, karamihan ay mga HRM students at mga varsity players ng kanilang University na nagpapahinga. Bumili ng maiinom ang dalawa at umupo.
“ Pwedeng bang,,,
“ Pwedeng ano? “, kinakabahan na tanong ni Dhea.
“ Pwede bang,,, tulungan mo kong paghiwalayin sina Jeth at Megs”, sabi ni Luke.
“ Anong sabi mo? “, nagulat na tanong ni Dhea.
“ Matagal ko na siyang mahal. Dhea, tulungan mo naman akong mapasakin si Megs. Paghiwalayin mo sila ni Jeth”, pagmamakaawa ni Luke.
“ P-pero,,, “ naudlot na sabi ni Dhea dahil bigla na lang na may nagring na cellphone. Lumayo si Luke at sinagot ang phonecall. Bigla na lang sumingit sa utak ni Dhea ang mga sinabi ng matanda kahapon.
“ Ngunit may iba siyang gustong babae”, “ si Meg ba yun?”, bulong niya sa sarili.
Agad niyang kinuha ang botelyang ibinigay ng matanda. Binuksan niya ito at hinalo sa juice na iinumin ni Luke. Maya – maya pa’y bumalik na rin si Luke.
“Sino yun?” usisa ni Dhea.
“Ahh. Si mama?, pinapauwi na ako” sagot ng binata.
“Ahh ganun ba? gosh ang init noh?” pasimpleng sabi ni Dhea.
“Oo nga eh.” Hinawakan ni Luke ang baso ng juice at ininom. Pagkatapos noon ay umalis na rin si Luke.
“Mukhang di talaga totoo yung gayuma.” Nasabi na lamang ni Dhea sa sarili

***
Nagising si Dhea sa tahol ng aso at maingay na tugtog sa ibaba. Siya lang ang tao sa bahay nila dahil nasa Cebu ang mga magulang niya kasama si Maymay (Kapatid niya). Dumungaw ito sa veranda ng kwarto niya upang tingnan kung ano yung maingay sa labas.
Nakita niya si Luke na kumakanta habang may hawak na bulaklak, si Jomari na naggigitara at si Kenneth na second voice. Pagkatapos ng kanta ay agad siyang bumaba upang pagbuksan sila ng gate.
“Anong meron?” Tanong ni Dhea. Habnag naririnig niya ang kakaibang musika sa kanyang dibdib.
“Nanghaharana, ano pa nga ba?” sagot ni Luke.
Lumapit si Dhea kay Luke at bumulong. “Diba si Megs ang gusto mo?”
Bumulong din si Luke at sinabing “Haha! Ewan ko nga ba?”

***
Simula nang araw na iyon, araw – araw ng nakakatanggap ng bulaklak si Dhea mula kay Luke. Lagi na ring dinadalaw ni Luke si Dhea sa bahay nila, at pinakilala ang sarili sa mga magulang ni Dhea bilang manliligaw nito. Ngunit sa loob-loob ni Dhea, hindi niya alam kung matutuwa, maaasar, malulungkot, o makokonsensya siya sa mga nangyayari, dahil alam niya sa sarili niya na hindi totoo ang lahat. Na lahat na ginagawa sa kanya ni Luke ay bunga lamang ng isang gayuma. Napukaw ang pag-iisip ni Dhea nang biglang dumilim.
“ Oh gahd, ayoko sa dilim, wala akong Makita… “, natatakot na sabi sa sarili ni Dhea.
Maiiiyak na sana siya nang may biglang bumulong sa kanya.
“ Don’t worry, I’m here”, sabi ng pamilyar na boses
“ Luke?”, bulong ni Dhea.
Iginayak siya nito sa paglalakad habang nakapiring.
Nabigla na lamang siya nang biglang lumiwanag. Natagpuan niya ang sarili na nakatayo malapit sa railing habang nakatanaw sa field. Nang biglang may lumutang na tarpaulin sa harap niya na may lobo sa magkabilang gilid.
“ Be my girlfriend Dhea”, ito ang nakasulat sa tarpaulin. Natanaw rin niya ang mga estudyante na nasa field at naka-form sila ng word na P-L-E-A-S-E. nakita niya naman si Luke na nakaluhod at may inaabot na bulaklak sa kanya.
“ Pumapayag ka ba?”, tanong ni Luke.
          Nawala ang ngiti sa mga labi ni Dhea dahil nagdadalawang-isip siya. Masaya siya na nasasaktan. May bahagi ng puso niyang gusting tumanggi, kasi alam nilang kalokohan lang ang lahat. Ngunit ayaw niya itong magalit sa kanya. Pero din a rin niya kayang makipaglokohan. Isang bahagi ng kanyang utak ang umaasa at masaya.
“ Mahal kita Dhea”
Napapikit siya sa sinabi ng binata. Masakit marinig para sa kanya ang sinabi ni Luke. Natagpuan na lamang niya ang sarili na umiiyak habang yakap ni Luke. Humihiwalay ito sa binata. “ a-yo-ko”, nasabi ni Dhea kay Luke.
 Napatingin si Luke tapos tumingin din sa ibang lugar.
“ B-bakit?, may kulang ba ko?”, di pa din siya nakatingin sa dalaga.
Nagulat na lamang si Dhea dahil sinipa at pinaghahagi ni Luke ang mga upuan. Nagwawala ito habang umiiyak.
“ Tama na, natatakot na ko”, pagmamakaawa ni Dhea ngunit di siya nito pinapansin.
“ Tama na Luke,,, ginayuma kita, okay?, ginayuma kita”, pagkasabi ni Dhea ay agad na siyang tumakbo paalis. Ayaw niyang makita ang reaksyon ni Luke dahil lalo lang siyang masasaktan. Pinagtitinginan siya ng mga tao dahil sa bukod sa tumatakbo ay wala ring hinto ang pagtulo ng luha sa mga mata niya, pagkalabas niya ng school ay nagulat siya sa kanyang nakita.
“Lola?”. Sabi nito habang pinupunasan ang luha.

       Si Lolang nagbigay sa kanya ng gayuma. Ibang-iba na ito sa lolang nakita niya nung gabing iyon. Ang lolang nasa harapan niya ay isang sosyal at may magarang damit.
“ Oh, ikaw pala yan hijah, ano? umepekto na ba yung gayuma?”, tanong ng matanda.
Hindi nakasagot dahil nawirduhan ito sa matanda.
“ Oh apo, nandiyan ka pala, umepekto na ba yung plano?” si lola pa rin ngunit hindi siya kay Dhea nakatingin kundi sa taong nasa likod niya. Si Luke.
“ Sa tingin ko ay nagtagumpay ka. Oh siya, ikaw na nga apo ang magpaliwanag sa kanya. May appointment pa ‘ko”, sabi ng matanda at sumakay na ito sa sasakyan at umalis.

**
    Isang linggo na ang lumipas. Isang lingo na rin matapos sagutin ni dhea si Luke. Pinaliwanag ni Luke kay Dhea ang lahat-lahat.
Si Luke ay matagal nang may gusto kay Dhea, ngunit dahil ito ay torpe, hindi niya magawang ligawan si Dhea. Ang buong bandang kasama ni Jeth at Megs ang nagplano ng lahat. Si lola na nagbigay ng gayuma ay lola ni Luke. Nandun din siya sa party pero ‘di nga lang nakita ni Dhea. Yung mga sinabi ni Luke na mahal niya si Megs ay parte lang ng plano para mailagay yung gayuma. Sa paraang iyon, malalaman ni Luke kung may gusto talaga si Dhea sa kanya. Nakita rin ni Luke na sinalin ni dhea sa baso ang gayuma kung kaya’t dun na naglakas ng loob si Luke na magtuloy-tuloy sa panliligaw. At yung gayuma naman na inabot ng matanda ay patis lang talaga.
     Sa huli, humingi rin ng tawad si Luke kay Dhea dahil sa lahat ng nangyari lalo na nung nagwala siya. Nagawa lamang daw niya iyon dahil sa sobra niyang mahal si Dhea.
“ Kain ka na”, umupo sa tabi ni Dhea si Luke. Nagpapahinga sila ngayon dahil kakatapos lang nilang magperform sa isang gig.
“ I love you” bulong ni Luke.    “ I love you too”, sagot naman ni Dhea.

=- WAKAS =-

Pebrero; Buwan ng mga Puso?

           Sumapit na naman ang buwan ng Pebrero. Buwan ng mga taong nagmamahalan at nag-iibigan. Siyempre, naglipana na naman ang mga panindang bulaklak, tsokolate, teddy bear, o di kaya’y mga lobong hugis-puso. Abala na rin ang ilan sa pag-iisip ng kung anong magandang ibigay para sa kanilang mga iniirog. At para sa aking ikatlong blog, nais ko lamang ibahagi ang aking kwento tuwing araw ng mga puso.
       
          Kung inaakala niyo na masaya ang pebrero ko dahil may sinisinta ako , nagkakamali po kayo. Ang pebrero ang isa sa mga buwan na kinaaayawaan ko, hindi dahil sa wala akong lovelife kundi dahil ito ang buwan na abala na naman ako sa paghahanda para sa nalalapit na labang aking sasalihan. Bilang arnisador, pebrero at marso ang mga buwan na may matinding kompetisyon akong sasalihan. Ngayong taon ay ang ikalawang beses kong maging isa sa mga manlalarong magrerepresenta ng ating eskwelahan para sa ALCULYMPICS. Hindi sa ayaw kong lumaban, ngunit masyado lang kasi talaga akong maraming inaasikaso sa buwan na ito. Pag-aasikaso ng mga papeles para sa laban, matindi at halos patayan na training, at siyempre, makikisabay din ang mga dapat kong tapusin sa aking academics. Kung iniisip niyo na masyado akong mababaw kung bakit kinaaayawan ko ang buwan ng pebrero ay hindi lamang po iyan ang dahilan. Isa sa malaking rason ay dahil lagi akong nawawalan ng pera sa buwang ito. Ang nakakatawa pa’y sumasakto ito sa mismong araw ng mga puso, February 14, 2014. Taong 2012, kasagsagan ng aking paghahanda para sa nalalapit naming laban ng Regional Meet noong ako’y nasa sekondarya pa lamang , ay nawalan ako ng halagang 600 php. sa aking pitaka. Pasalamat ko na lamang ay mabait-bait pa ang kumuha nito dahil tinirhan niya pa ako ng pamasahe pauwi. Haha J Inisip ko na lamang na nangangailangan ng pang-date ang taong kumuha nun. Nitong nakaraang taon naman, nasa kalagitnaan din ako ng paghahanda para naman sa nalalapit na ALCULYMPICS, kung hindi nga naman ako minamalas, ay nawalan na naman ako ng pera sa aking pitaka. At sa pagkakataong ito, halagang isang libo naman ang nawala. At syepre, may natira pa.. 25php. Ngayon, pa’no ko masasabi na ang pebrero ay buwan ng mga puso? Kung may mga taong walang pusong pumupuslit ng pera ko? Haha J  bitter ba ?


            Itong blog na ‘to ay tinatype ko ngayong  araw ng mga puso. Iniisip ko lang, ano naman kaya ang mawawala sakin? Haha J masyado ko nang inaasahan na may mawawala nga, pero sana ay wala naman. Sabagay, wala naman nang mawawala sakin dahil wala talaga kong naitatagong pera ngayon. Pahabol, Goodluck sa nalalapit kong laban :> 

My Favorite Song

Through It All

You are forever in my life
You see me through the season
Cover me with Your hand
And lead me in Your righteousness

And i look to You
And i wait on You

I'll sing to you Lord, a hymn of love
For Your faithfulness to me
And I'm carried in everlasting arms
You'll never let me go through it all....


.. Nais ko lamang ibahagi ang isa sa mga paborito kong awitin. Ito ang ilan sa bahagi ng kantang Through it All. Ang awitin na ito ang siyang pumapanatag sa aking kalooban sa tuwing ako'y nalulumbay at nakadarama ng takot.
    Maraming awit ang aking kinahiligan lalo na't kung pag-uusapan ang mga awiting papuri para sa ating Panginoon. Para sakin, hindi lang basta musika sa tenga ang ganitong uri ng mga kanta, bagkus mga awiting nagbibigay lugod sa Diyos na Lumikha. Tuwing pinapatugtog at napapakinggan ko ang kantang " through it all", pakiramdam ko'y yapos-yapos ako ng Panginoon. ang kantang ito ang siyang nagsisilbing daan upang Siya'y aking papurihan at pasalamatan.

Sino Ako?

Dinalyn Capistrano ang buo kong ngalan
Innah ang sa aki'y tawag ng karamihan
Labing-walong taon nang sa mundo'y namumhay
Laking Tumana kung kaya't buhay ko'y makulay

Magulong lugar man ang aking kinamulatan
Masayang pamilya ang siya kong kinabilangan
Apat na magkakapatid, ako ang panganay
Apat na Maria'y, tawag samin ni Inay

Nang minsa'y nagkaisip, ako ay nangarap
Maging isang guro ako'y magsusumikap
Kung kaya't ngayo'y nasa ikalawang taon na
Sa kursong edukasyon na aking ninanasa

Pagsulat ng tula'y pinagkakaabalahan
T'wing may libreng oras, ito'y pinaglalaanan
Bukod sa pagsulat ay may iba ring larangan
Kompetisyon sa arnis aking sinasalihan

Mga problema'y akin lang dinadaanan
Pagiging positibo, tanging nasa isipan
Anupa't mga ito'y akin ring malulutas
Kasama ang Panginoong siya kong tagapagligtas